AFP Chief of Staff’s Message on 124th Philippine Independence Day

AFP Chief of Staff’s Message on 124th Philippine Independence Day

Ang buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay nakikiisa sa sambayanang Pilipino sa paggunita ng ika-isang daan at dalawampu't apat na Araw ng Kalayaan. Mula sa ating mga bayani na nagpamalas ng katapangan at malasakit, ang inyong mga Hukbong Sandatahan na kumakatawan sa mga makabagong bayani ay sumasaludo sa ilang salinlahing Pilipino na nangalaga sa kasarinlan ng Pilipinas.

Sa ating pagdiriwang, nais kong alalahanin natin ang ating mga sundalong bayani na nagsakripisyo at lumaban para sa parehong bandila na bumalot sa kanilang katawan. Ang kanilang kabayanihan at matapang na paninindigan ang dahilan sa likod ng kalayaang tinatamasa natin hanggang sa kasalukuyan. Upang patuloy nating maiwagayway ng malaya ang ating bandila, hinihikayat ko ang bawat miyembro ng Sandatahang Lakas na lalong magsumikap upang ang kalayaang ipinaglaban ng ating mga ninuno noon, at ang kalayaang ipinaglalaban
natin ngayon, ay siya ring maranasan ng mga susunod pang henerasyon.

Sa kabila ng dumaraming pagsubok na kinakaharap natin at ang sumisidhing hidwaan ng ibang mga bansa, manatili tayong nakatutok, at determinado sa pagsulong ng malaya, mapayapa at progresibong Pilipinas para sa bawat Pilipino, dito at saan mang panig ng mundo. Sa bawat laban na kinakaharap ng ating organisasyon sa lahat ng panahon, pakatandaan natin na kailangan natin ang pag-tutulungan, pakikipagkapwa-tao, pagkaka-isa, at pagmamahal sa bayan.

Sa ating paggunita ng Araw ng Kalayaan na may temang "Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas (Kalayaan 2022: Rise Towards the Challenge of a New Beginning)," nawa ay patuloy tayong magtulungan upang tuluyan na tayong lumaya sa takot at pangamba na dulot ng pandemya. Ang bawat isa ay may mahalagang parte na kailangang gampanan upang mapagtagumpayan ang unos na ito. Sa kabilang banda, marami na rin tayong nagawa at tagumpay sa pagsupil ng terorismo at karahasan. Kaya ipagpatuloy natin ang ating
laban upang tuluyan tayong maging malaya.

Nawa'y maging tanda ang araw na ito upang magsumikap pa tayong maging handa at matagumpay sa pagharap ng bago at magandang bukas. Sa isip, sa salita, at sa gawa,
ipagpatuloy nating pangalagaan at ipaglaban ang malaya at ligtas na Pilipinas.

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

Mabuhay ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas!

REPUBLIC OF THE PHILIPPINES

All content is in the public domain unless otherwise stated.

ABOUT GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.

Copyright © 2023 Armed Forces of the Philippines. All rights reserved.
Designed by ISG, CEISSAFP